Powered By Blogger

Friday, July 4, 2008

Hibik

ni kyle atbpa.

Sa pusong bitak damdami’y bumubugso,
Dala’ng madlang sakit at paninibugho,
Nalungayngay ang langit, tila susuko
Sa pasakit,’tong pag-ibig na tumimo.

Itong bangkang liyag, sa alon ay tangay
At sa pusod nito’y iwinawagayway.
Kuko’y kay bangis, mandaragit ng dagat!
Pumunit sa dibdib at hapdi’y kumagat!

O! Ngayon sa aking kalagayan,
Sa pagkahandusay sa kapaghatian.
Naghuhumiyaw hibla ng aking laman,
Sa’king dinatnang kirot at kahapisan.

Sa pluma ay nunukal ang luhang dugo,
At tinta ng pagdurusa ay tutulo.
Sisipsipin ng lupa ang kamalayan,
Ang buhay ay uusbong sa kamatayan.

Ngunit kalian ma’y ‘wag magpaimbabaw,
Pagtatapat tunay na nakatitighaw,
Sa pagkagapos ay nagsisilbing laya
At ‘wag basta irog ay ipaubaya.

Kung araw ma’y lamunin ng karagatan,
Hapon ma’y pumanaw tungong kadiliman
Ay paalala nitong anaki’y pantas
Tunay na pag-ibig ay ‘di magwawakas.

(para kay chillmark at sa maka-karelate)

-Published in banaag literay journal 2004

No comments: