Powered By Blogger

Friday, July 4, 2008

Kalyo

ni Kyle atbpa.


Ang taong bulag, sa sarili’y bukal,
Mistulang tuod, kahoy na inaanay
Niloob ay balawis at masukal
Siya’y bumangon man, sadya paring bangkay

Abang ina’y nagdusa at nilugso
Ang kaliluha’y sumukob at namuno,
Tinanikala’t sa paa’y pinayukod
Ng mga mananakop at ganid ay buod

Kaya ikaw ay magmulat at tumindig,
‘di kaila’y sapat, matanto’t tumindig
Magliksi ka at pagtuwang ay makintal
‘pagkat ‘tong mandirigma ma’y napapagal

Aantayin pa bang buhay ay makitil?
Ihasik man sa lupang tigang ang butyl
Dumampi man ay nanatiling kutad
‘di nalasap ang kalayaang hinahangad

Panaghoy ng lupa at ngitngit ng bulkan
Ang dusting alipin at karalitaan
Hindi na mapapaknit ang mga hinagpis
Kapilas ang hilahil ng anak-pawis

Araw di’y sisikat sa bayan kong sawi,
Ngunit kamadhilakahan ay sa tangi
‘di nararapat sa sukab at palalo
Madili-dili ka ng ‘di mangimbulo

(para sa nyutral, manhid at walang pakialam)
-Published in banaag literay journal 2004

No comments: